Wednesday, December 21, 2011

Diwa ng Pasko

Pasko na naman.


Ang puso ng bawat isa'y nagagalak sa pinakahihintay na pagdiriwang na bagama't minsan sa isang taon lamang nararanasan ay nagdudulot ng walang kaparis na saya sa sinuman.


Kumukutitap na mga Christmas lights. Makukulay na mga parol. Luntiang mga Christmas tree na hitik sa palamuti. Karoling. Puto bumbong at bibingka. Mga regalo. Iyan ay iilan lamang sa mga mainstay ng Paskong Pinoy. Mga simple at mumunting bagay na sumisimbolo ng kapaskuhan.


Subalit, sa apat na taon ko dito sa Middle East, nairaos ko ang Pasko na malayo sa pamilya at kapos sa mga tipikal na simbolo ng kapaskuhan. Walang karoling. Walang puto bumbong at bibingka. Walang makukulay na parol. Iilang regalo. Ibang-iba ang pasko dito. Malayong malayo sa Paskong Pinoy.


Dahil dito, nagiba ang aking pananaw sa kapaskuhan. Mas napagtanto ko ang sinasabi nina lolo at lola na wala sa mga materyal na bagay ang diwa ng Pasko. Na higit pa sa mga regalo o palamuti o masasarap na pagkain ang tunay na kahulugan nito.


Kapag pala salat ka sa mga materyal na simbolo ng kapaskuhan mas na-aappreciate mo ang tunay na diwa nito.


Kung saan walang maningning na mga ilaw na tumatanglaw sa'yo at kumukiliti sa puso mo, doon mo ma-rerealize na ang tunay na liwanag ng buhay mo ay si Bro na talagang leading man ng Pasko. Na mawala man ang lahat ng Christmas tree sa mundo, basta itinago mo Siya sa puso mo kailanman ay hindi ka maiiwang nagiisa sa dilim.


Kung saan walang mga karoling na napakasarap pakinggan, doon mo mapapagtantong ang tunay na musika ng buhay mo ay ang salita ng Panginoon na sadya naman talagang soundtrack ng Pasko. Na mawala man ang lahat ng Christmas songs sa radyo, basta nakinig ka sa tunay na ibinubulong Niya sa puso mo kailanman ay hindi ka malulumbay.


Kung saan walang mga regalo na nakabalot sa mga fancy Christmas wrappers, doon mo mapapatunayang ang buhay mo ay ang pinakamalaki at pinakamahalagang regalo sa'yo. Kasama na rito ang mga taong nagpapasaya at kumukumpleto sa buhay mo--mga kaibigan, mga kakilala, mga katrabaho, pamilya. Na wala ka man matanggap na regalo kay Santa Claus, dahil marahil chineck niya kung sino ang naughty or nice, tagal ka nang niregaluhan ng Diyos ng pagpapatawad at kaligtasan.


Hay, Pasko na naman. Happy birthday, Bro. Salamat sa regalo mo. Higit sa lahat salamat sa pagpapaunawa Mo na Ikaw ang tunay na diwa ng pasko.

0 comments: